Complementary food feeding program sa isang Aeta Community sa Brgy. Sta. Juliana, Capas, Tarlac
Lubos na nakatulong sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga bata ang Complementary Food Feeding Program ng Expanded Implementation of Community Empowerment thru Science and Technology (eCEST) ng Department of Science and Technology Region III na isinagawa sa limampu’t walong (58) barangay sa rehiyon.
Katuwang ang Food and Nutrition Research Institute (FNRI-DOST) isinagawa noong Hunyo 19-20, 2018 ang pagsasanay patungkol sa Package for the Improvement of Nutrition of Young Children (DOST-PINOY) na dinaluhan ng mga piling Barangay Health Workers (BHWs), Barangay Nutrition Scholars (BNS) at Municipal Health Officers (MHOs). Ang pagsasanay na ito ay kinakailangan para sa matagumpay na pagtataguyod ng feeding program.
Sa loob ng 120 na araw, kapartner ng DOST-3 ang mga BHWs at BNS na matiyagang pinaghanda ng masustansyang complementary food blend araw-araw ang 985 na bata na nasa edad mula 6 hanggang 36 buwan na gawa sa bigas at munggo na mayaman sa protina. Naging inisyatibo rin ng mga BHWs at BNS na gumawa ng mga iba’t ibang uring luto gamit ang food blend gaya ng pancake, champorado, lugaw, at paghalo ng itlog at masustansyang gulay tulad ng carrots at kamote upang maging kaaya-aya sa mga bata ang pagkain nito.
Sa kabuuan, mula sa 985 underweight na bata, 684 sa mga ito ang nakapag-graduate sa 120 days na feeding program na kung saan ang 50% sa kanila ay naging normal ang timbang. Ang pagtaas ng timbang na naitala ay mula 8.57% hanggang 22.90% sa loob ng 120 days.
Upang maipagpatuloy ang pagpapabuti ng kalusugan ng mga bata sa komunidad, ang mga BNS at BHWs ay nagsagawa rin ng Mothers’ Classes na kung saan ang mga ina ay tinuruan sa tamang nutrisyon, pagtatanim ng gulay sa bakuran at ligtas na pagbubuntis.
Naniniwala ang DOST-III na sa maayos na kalusugan ng isang bata nagsisimula ang kanyang magandang kinabukasan.
Iba' ibang luto ng complementary baby food blend